wala akong narinig na tugtog o awit
nanahimik ang puso kong puno ng dalit
na para bang ito'y bibig na nabusalan - tahimik...
o di kaya'y napiping sadya kaya walang imik
walang kaba na siyang dumagundong
walang emosyong malayang bumalong
na para bang walang nagaganap
wala ka sa tabi ko, hindi ko hawak ang kamay mo
hinanap ko sa puso ko, patuloy na ginagagap
kung posible ikaw ay mahalin ko, siyang iyong pangarap
subalit ang sagot ay isang katahimikang nakakabato
walang imik, walang sagot, hindi nito ako kinibo...
dama ko sa init ng iyong mga palad na aking hawak
ang isang pagmamahal na hindi naduduwag sa tabak
nababasa ko sa iyong mga matang nagsusumamo
ang nilalaman ng puso't isipan mong palalo
mahal mo ako hindi mo maitatago
mahal mo ako hindi ko maipagtatanto
sa kabila ng madilim at mapait kong nakaraan
tatanggapin mo ako sa kahit anong paraan
laan kang ibigay ang buong buhay mo
angkinin lamang ang puso ko
pusong hindi na akin para ibigay pang muli
pusong hindi ko mahanap kung saan nagkukubli
paano ko sasabihin sa iyong
walang maisagot ang puso ko?
paano ko ipapaliwanag
na hindi na ito akin at hindi ko ito mahanap?
paano ko sasabihin sa iyong
nasa iyo ang lahat ng gusto ko?
pero paano ko bibigyan ng dahilan,
na hindi pa rin pwedeng magmahalan?
paano ko tatangapin ang alay mong puso,
gayong malulungkot din ito sa pagiisa?
dahil ang pusong dapat nitong makasama,
ay hindi ko na mahanap at tinangay na ng iba?
nasasaktan akong makitang masaktan ka
pero paano ko papawiin ang sakit mo,
gayong ako ang may dulot nito...
kailangan na ba talagang lumayo ako?
No comments:
Post a Comment