Saturday, September 13, 2008

kape...

nakuha mo ang aking timpla
walang lumabis na sangkap
sumasapat lamang at tumatama
ang kaunting sobra'y alam mong masaklap

tatabang, papait, tatamis, masisira ang lasa
kaya kung masosobrahan ay tiyak aayawan
subalit nakuha mo ang aking timpla
kaya dila ko'y nalulugod, nagsisayawan

ang kay init na presensiya mo
siyang nakagigising ng katinuan ko
subalit di ito yaong mga pagliyab
na nakakapaso ang mga pagalab

minsan kung ika'y matitikman
tingin ko'y tiyak kapwa natin maasahan
na ikaw ay aking babalik-balikan
sa bawat araw ng aking kasalukuyan

at sa hapon na ako ay aandap-andap
at sa antok ay nais na humilig at lumingap
sasaluhin mo ako, gigisingin at bubuhayin
sabay sulyap sa realidad na tanging atin

ikaw na nga ba, ikaw na ba iyan?
huwag namang sagot sa akin ay iyong pilitin
ikaw na nga ba, ikaw na ba iyan?
huwag magtangis, di ko nais maging iyong tiisin

pero... nakuha mo ang timpla ko
at walang kaduda-duda ito
pero bakit, bakit, BAKIT...
ninanais ko (siya pa rin), ay anong pait!

No comments: