Tuesday, May 12, 2009

ina mo...

na sumiping kay bathala
at nagbitbit ng binhi ng pagpapala
sa nabubulok na sinapupunan
ng nakaratay na lipunan
na bumukaka at umire
nagpakasakit
para iluwal ang abang lahi
na inasawa't nilapastangan
ng isa-dalawa-tatlo
at iba pa
mestiso, sakang
at stateside
at iba pa
na naligo ng dugo
ng pawis
ng kanyang anak,
ng kanyang sariling anak,
na nagparaya
para sa lahing
walang utang na loob

ina mo,

ina mo ako!
Inang Bayang
niyurakan
nilapastangan
inapi
inaglahi
mo

ina mo,

ina mo ako!

No comments: